Sa kabila ng maliit na budget at panggigiit ng kontrol ng production company, isang malaking tagumpay para kay Lav Diaz ang pelikulang Serafin Geronimo: Ang Kriminal ng Barrio Concepcion. Ito marahil ang kaniyang eksperimentasyon sa lahat ng kaniyang mga kakayahan mula sa pagsusulat at sa lahat ng kaniyang natutunan sa taon ng pagaaral ng pagpepelikula. Ito marahil ang naging pundasyon ng kaniyang mga sumunod pang mga obra magpasahanggang ngayon. Naroon ang mga kaparehong tema sa ilang mga obra ni Diaz: ang paghahanap ng katarungan, ang pangaapi ng makapangyarihan, at ang pagbanggit sa rebolusyong-bayan ng kilusang makakaliwa. Namumukod tangi rito ang pagganap ni Raymond Bagatsing bilang Serafin: isang naiibang katauhan na hindi na hindi ko na muling nasilayan sa iba pang mga pelikula.
Tungkol ito sa pag-amin ni Serafin sa isang krimeng kinasangkutan niya. Isang pagdukot sa asawa at anak ng isang mayamang negosyante na nagtungo sa isang madugong katapusan. Alam na ng madla ang nangyari: namatay ang lahat ng kasangkot maging ang mga biktima. Ngunit, inilahad ni Serafin ang lahat ng mga detalye na kaniyang nalalaman.
Ito na marahil ang pinaka-magaan sa lahat ng pelikula ni Diaz. Sa lahat ng akda niyang aking napanood, ay ito lamang ang may masayang katapusan. Hindi nakapanlulumo. Ngunit, ito rin marahil ang pinaka-bayolente dahil sa pagpapakita ng mga eksenang tortyur.
Kapuna-puna rin ang paggamit ng hindi lang iisang istilo dito. Hindi lamang long shots na madalas niyang ginagamit ngayon ang makikita rito. Maganda rin ang paggamit ng hindi-linyar na paglalahad ng kuwento.
Dama mo ang pag-bagabag sa konsensya ng bida. Kaya rin siguro ito nakakagaan sa damdamin dahil ang pelikulang ito ay tungkol sa pag-amin. Madali akong madala sa kuwento, kaya naman nailagay ko agad ang aking sarili sa kalagayan ng mga tauhan. Tulad nga ng naisulat ko na mula sa mga iba pa niyang pelikula, kompletos recados na ang mga gawa ni Diaz. Hindi bitin sa teknikal, estetikal, at esensyal na aspeto. Isang matagumpay na paunang pelikula mula kay Diaz.