Jojo De Vera

Sa mga rebyu ng Ebolusyon Ng Isang Pamilyang Pilipino (Sine Olivia), laging dinidiin ang pakikibaka na pumapaimbalot sa mga buhay ng tauhan, ng produksiyon ng sining at katotohanan sa gitna ng matinding politikal na panunupil ng komersyal na cinema na humihigop sa lahat ng mga anak at mamamayan nito sa pagdalumat sa kolektibo at indibidwal na pakikibaka sa buhay. Isinalarawan sa pelikula ang salimuot ng karanasan ni Raynaldo (Elyan De Vera) at ang di pagkakaunawaan sa pagitan ng kanyang baliw na inang si Hilda (Marife Necesito) at lolang si Puring (Angie Ferro). Pinipilit ni Kadyo (Pen Medina) si Raynaldo na mamasukan sa minahan ng ginto dahil sa patuloy na pagbagsak ng pinagkakakitaang bukirin kasabay ng pagtanggi nitong umanib sa pangkat ng mga rebeldeng nag-aaklas laban sa gobyerno. Lumaking pipi si Raynaldo at napagdesisyunan ni Puring na ipasok ang apong si Anna (Sigrid Bernardo) bilang katulong sa isang mayamang pamilya. Dala ng labis na kasakiman ay nakulong si Kadyo sa salang pagnanakaw. Umikot ang huling bahagi sa paghahanap ng pamilya kay Raynaldo at ng pakikipagsapalaran ni Kadyo sa lungsod. Ang pagbalangkas ng mga insidenteng dinanas ng mga tauhan ay sinundan halintulad sa isang dokumentaryong nagbibigkis ng mga kaganapang politikal sa bansa. Polemikal ang paglalahad ng naratibo sa Ebolusyon bilang bahagi ng higit na malaking diskurso sa pagninilay-nilay at sining ng politika. Ibinubunyag ito sa pamamagitan ng pagdanas ng epekto sa mga naiwang miyembro ng pamilya, kung paanong ito ay sustenidong pamana ng dekada at siglo ng panunupil ng estado. Hindi kayang palitan ng identidad at lunan ang batayang pagkatao na dumanas ng pakikibaka. Ito ang malawakang panahon at malalimang kasaysayang nagbibigay epekto sa kolektibong pagkatao. Dala-dala ng mga tauhan, sa kaibuturan ng kanilang pagkatao ang kolektibong suliranin ng mamamayang Pilipino. Hindi ang pagtunghay sa suliraning pampamilya ang proyekto ng Ebolusyon kung ito, di sana ay nabagot tayo sa panonood ng mahigit sampung oras na pelikula. Ito ang polemiko ni Diaz. Ang ating tinutunghayan ay ang filmikong produksiyon ng ebolusyon ng mga tauhan bilang bukal ng identifikasyon sa ebolusyon ng manonood at mamamayan, na ang sinisiwalat na katotohanan sa pelikula ay ang referensiya sa historikal na katotohanan ng mamamayan. Na ang ibinubuyanyang na hibla sa Ebolusyon ay nasa rebolusyon ang katotohanan, figuratibo at literal na pakikibaka. Kung wala itong paninindigan, walang katotohanan sa sining at politikal, na gaya ng formulasyon ng pelikula, walang katotohanan maliban sa karanasan.